Mungkahi ng mga taga-Boracay: kaniya-kaniyang linis ng bakuran

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 10:09 PM | Updated as of Feb 05 2020 05:16 PM

Iminungkahi ng mga stakeholder ng Boracay nitong Huwebes na magsasagawa na lang ang mga establisimyento sa isla ng paglilinis sa kani-kanilang mga bakuran sa halip na tuluyang ipasara ang buong isla sa loob ng dalawang buwan para sa rehabilitasyon.

Sa pagtitipon-tipon ng mga negosyante mula sa mga resort, hotel, at restoran sa Boracay, nilinaw nilang hindi sila tutol sa rehabilitasyon pero huwag naman sanang biglang ipasara ang buong isla.

Ipinanukala ng grupo na mula Abril hanggang Mayo, magsasagawa ng sari-sariling paglilinis at rehabilitasyon ang lahat ng mga may negosyo sa Boracay.

Kapag wala itong naging epekto, doon lang anila dapat magkaroon ng total closure sa isla.

Dagdag pa ng grupo, ang mga establisimyentong lumabag sa environmental laws at easement, o iyong itinakdang layo ng mga gusali mula sa dalampasigan, lang ang dapat ipasara.

Sakaling ipasara kasi ang Boracay, nasa 36,000 katao ang mawawalan ng kabuhayan. Kasama rito ang 17,000 empleyado ng mga hotel at resort, at 19,000 mula sa informal sector gaya ng mga masahista, tattoo artist, at mga nagtitinda.

"On top of all of these are the families and dependents of these workers. The impact on individual lives cannot be ignored," ani Christine Ibarreta mula sa Organization of Hotel Sales and Marketing Professionals. 

Mula Enero hanggang Setyembre 2017, 20 porsiyento ng turismo o nasa P56 bilyon ang iniambag ng Boracay sa ekonomiya.

Posible umanong sa ibang bansa na lang pumunta ang mga turista kapag isinara ang Boracay. 

Sa katunayan, isang hotel na umano ang nalugi ng P68 milyon dahil sa mga nakanselang booking.

Watch more in iWant or TFC.tv

Humiling din ang grupo ng isang diyalogo kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.

"We can come up with a united plan with the stakeholders, with the government to fix whatever needs to be fixed," ani Tourism Congress of the Philippines president Jose Clemente III.

Ayon sa Malacañang, bukas pa rin ang Boracay sa Semana Santa pero hindi maaaring ipagpaliban ang rehabilitasyon nito.

"We're fixing it so that it becomes a sustainable environment," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Una nang inirekomenda ng Department of Tourism, Department of the Interior and Local Government, at Department of Environment and Natural Resources na ipasara ang Boracay para matugunan ang mga suliranin ng isla sa kalinisan at kapaligiran.

CASINO-RESORT

Ipinahayag din ng mga stakeholder ng isla ang kanilang pagka-dismaya sa pagtatayo ng isang casino-resort sa Boracay sa gitna ng mga planong rehabilitasyon sa isla.

Para kay Boracay Foundation board member Connie Helgen, hindi dapat ibenta ang Boracay bilang lugar ng pagsusugal.

"Boracay island is for beach lovers. Boracay is a wholesome destination. Why go to Boracay to play casino? There are so many casinos in Manila and in Macau," sabi ni Helgen.

"Having a casino here would just affect the social environment of Boracay. The influence of casino to the people there, there's no telling what will happen. We hope the President will reconsider," aniya.

Nitong Miyerkoles nagkapirmahan ang pamunuan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Macau-based Galaxy Entertainment, pati local partner nitong Leisure and Resorts World Corporation, para sa provisional license na magbibigay daan sa pagtatayo ng resort-casino sa Boracay.

Una nang sinabi ng PAGCOR na nangako naman ang Galaxy Entertainment kay Duterte sa isang courtesy call na hindi nila pababayaan ang kapaligiran.

Balak itayo ang unang integrated resort at casino sa isla sa loob ng 23-ektaryang property sa barangay Manoc-Manoc, Aklan. Nasa bandang ibaba ito ng isla, lagpas pa ng Station 3. 

-- Ulat nina Ron Gagalac, Zhander Cayabyab, at Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.