2 'holdaper', patay sa engkuwentro sa Binondo

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 06:18 AM

Patay sa engkuwentro ng mga pulis ang 2 lalaki matapos umano mangholdap sa Binondo, Maynila.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.

Kuwento ng biktima, nilapitan siya ng 2 lalaki sakay ng motorsiklo habang nag-aabang ng taxi sa Plaza Cervantes Miyerkoles ng gabi.

Hinablot ang kaniyang bag na may lamang wallet, aniya.

Natawag ang atensiyon ng mga pulis sa malapit na outpost nang magsisigaw ang biktima.

Pauwi na sana ang biktima matapos ang maghapon ng pag-aapply ng trabaho.

Dito na nagsagawa ng follow-up operation ang Manila Police District Station 11.

Ayon kay Chief Insp. Fernando Reyes, hepe ng Gandara Police Community Precinct, nagpaputok umano ang mga lalaki kaya napilitan ang mga pulis na gumanti.

Tinamaan ang mga lalaki at dinala pa sa ospital pero hindi ito umabot ng buhay.

Narekober sa kanila ang 2 kalibre .38 na baril at ang bag ng biktima. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.