Mga tricycle driver sa Laoag, pinayagan pa ring mamasada

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2020 02:19 AM | Updated as of Mar 21 2020 03:38 AM

LAOAG CITY -- Pinayagan pa ring mamasada ang mga tricycle driver sa Laoag nitong Biyernes sa kabila ng Luzon-wide community quarantine.

Ayon sa executive order no. 12 ni Mayor Michael Marcos Keon, papayagang mamasada ang mga tricycle sa barangay kung saan sila residente.

Para ito sa mga residenteng walang pribadong sasakyan na kailangan mamalengke, pumunta sa grocery, parmasya o bangko.

Salitan sa schedule ang mga tricycle driver para mabigyan lahat ng pagkakataon makapasada. Limang tricycle lang kada araw ang mamamasada.

Isang pasahero lamang ang pwedeng isakay at mahigpit na ipinagbabawal ang pag-angkas sa likod.

Kailangan ding magsuot ng mask at dapat may dalang alcohol ang driver.

Nakaparking ang mga ito sa barangay hall.

Isinailalim ang buong Luzon sa enhanced community quarantine bunsod ng pagdami ng bilang ng kaso ng novel coronavirus sa bansa.

Sa huling tala ng Department of Health, umabot na sa 230 ang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan umakyat sa 18 ang namatay at nanatili sa 8 ang gumaling.-Ulat ni Dianne Dy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.