Maaari bang mag-breastfeed ang ina na may COVID-19?

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2020 06:15 PM | Updated as of Mar 21 2020 07:16 PM

MAYNILA - Hindi kailangang tumigil sa pagpapasuso ang isang ina na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), ito ang paglilinaw ng mga eksperto.

"Opo, pwede pa rin mag-breastfeed ng kaniyang anak ang isang positive COVID patient. Hindi kailangang tumigil na magpasuso ang isang nanay kung kayo ay may ganitong banta sa kalusugan," ani Health Undersecretary Rosario Vergeire.
 
Ang naturang paksa ay isa sa mga binasang tanong ni Vergeire sa isinagawang press conference ng DOH.

"Kailangan lang po mag-ingat ni Nanay, mag-wear ng mask, maghugas ng kamay at hugasan ang mga gagamitin sa breastfeeding," sabi niya.

Ayon sa World Health Organization, wala pang patunay na napapasa ang virus sa breastmilk ng ina. 

Mainam rin ang breastmilk para mapatibay ang immune system ng sanggol dahil sa taglay nitong sustansya. 

Kung masama naman ang pakiramdam ng ina, maaari siyang mag-hand express ng kaniyang gatas or humanap ng breastmilk donation, ayon pa sa WHO. 

Umabot na sa 307 ang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa, base sa datos na ibinigay ng DOH Sabado.

Ayon sa DOH, may 13 ang nakarekober at 19 naman ang nasawi sa sakit.

Payo ni Vergeire na laging ugaliin ang pagsunod sa proper hygiene lalo na kapag nagpapasuso.

"Continue breastfeeding, this is the best for your baby," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.