'Akala libre': P25 per kilo na pa-bigas ng bayan sa Laguna sa mga naka-quarantine inalmahan

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2020 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umaalma ang ilang residente ng Siniloan, Laguna dahil ang akala nila umanong libreng bigas na natanggap mula sa munisipyo ay may bayad pala.

Inililibot ang mga bigas sa bahay-bahay sa bayan, na ngayong apektado ng lockdown.

Natuwa ang mga residente nang may dumating na bigas lalo na’t apektado umano ang kanilang hanapbuhay.

Pero ibinebenta pala ito ng P25 kada kilo. Tig-4 na kilo kada pamilya ang bentahan nito.

Inireklamo ito ng ilang residente, gaya ng residenteng si Unyang.

"Paano ang walang pambayad na P100, P25 isa eh hindi rin makakakuha ng bigas, walang pambili hindi makabiyahe magtatrysikel dito dahil ipinagbabawal lumabas. Akala namin libre yun pala may bayad,” reklamo ni Unyang.

Dumaing din ang residenteng si Melvin Castillo na nagsabing wala pa silang natatanggap na tulong mula sa gobyerno.

"Nag-almusal kami ng kamote nagtitipid. Hindi kami makalabas, minsan isang beses na lang kami kumakain, katulad ko na maraming anak… Sana man lang tulungan tayo ng gobyerno kahit pagkain man lang,” ani Castillo.

Hindi naman itinanggi ni Siniloan town mayor Rainier Leopando na ibinebenta ang bigas.

Paliwanag niya, binili raw nila ito sa murang halaga sa pamamagitan ng kasunduan sa National Food Administration (NFA).

Giit niya, mura na rin ang bigay sa bigas at kailangan nilang mag-ipon.

"Hindi po namin kailanman ipinamigay ang mga nasabing bigas 'yan po ay ibinibenta namin nang kalahati rin ang presyo walang tubo, walang lahat. Ang services po ang libre sa'min 'yung sasakyan, gasolina, magre-repack sa amin po ang distribution pero wala ibinibigay ang pamahalaan ng Siniloan ng libre," ani Leopando.

"Hindi ho natin alam kung gaano katagal ang epekto ng virus na 'yan, kailangan ho naming ipunin kung anong resources meron kami at hindi basta-basta gagatusin at ipamigay ngayon," paliwanag pa niya.

Giit pa ni Leopando, may nakahanda nang relief packs na may bigas, delata at kape na ipapamigay nang libre sa tamang panahon.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.