15 bahay sa loob ng UP Mindanao campus, giniba

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2019 03:51 PM

DAVAO CITY - Isa-isang giniba ang 15 bahay na nakatayo sa lupa na pagmamay-ari ng University of the Philippines Mindanao sa Bago Oshiro, Tugbok District, Davao City Huwebes ng umaga.

Naging mapayapa naman ang demolisyon, maliban na lang sa isang 80-anyos na senior citizen na nagmatigas na lumabas sa kaniyang bahay.

“Since nag start ang demolition ng city engineering office peaceful and orderly naman walang nag resist at wilfully pinayagan naman nila na magsimula ang pagsira ng bahay,” ani Davao City Police Office director Police Colonel Alexander Tagum.

Agad namang dinala sa health center ang matanda upang mabigyan ng gamot na pampakalma.

Hinaing ng mga residente na hindi sila binigyan ng relokasyon bago dinemolish.

“Tama ba na i-demolish kami pero walang relocation? Babayaran kami pero kasali na ang aming area. Paano na kami mabubuhay nito?” ayon kay Rosita Incio, isa sa mga apektadong residente.

Itatayo sa lugar ang sports facility para sa athletics na parte ng UP Sports Complex bilang paghahanda sa Palarong Pambansa na gaganapin sa Davao City ngayong Abril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.