9 nagpalutang-lutang sa dagat nang 3 araw, nasagip

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2018 11:34 AM

Inaalalayan na ng social workers ang 2 pamilyang nasagip sa dagat para makauwi na sa Surigao City. Angelo Andrade, ABS-CBN News

MANILA – Nasagip ang 9 na indibidwal, kasama ang 6 na bata, matapos na magpalutang-lutang nang 3 araw sa dagat malapit sa isla ng Camiguin.

Pauwi na sana sa Surigao City mula Bato, Leyte ang grupo nitong Biyernes nang masira ang kanilang sinasakyang pump boat dahil sa malalakas na alon.

Nagkahiwa-hiwalay sila at kumapit sa mga kawayan at lalagyan ng tubig upang makalutang.

Nitong Lunes ng hapon, nailigtas ng mga tauhan ng tugboat sina Ascale Melcarane at mga anak na edad 6 at 12 sa bahagi ng Bohol Sea.

Nasagip ng mga mangingisda kinagabihan ang mag-asawang Sahari at Elmira Barani, kasama ang mga anak na edad 1, 3, 5 at 12.

Dinala sila sa opisina ng Philippine Coast Guard-Northern Mindanao nitong Martes ng hapon, kung saan sila sumalang sa check-up.

Normal naman ang kanilang vital signs kahit nagtamo ng maliliit na sugat sa katawan.

Tutulungan silang makauwi ng City Social Welfare Department.

Mula sa tribong Badjao ang mga nasagip. Anila, taun-taon silang naglalayag papunta sa Bato, Leyte at ngayon lang naaksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.