Panloloob sa isang bahay sa Puerto Princesa, sapul sa CCTV

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2017 10:52 PM

A security camera catches an intruder inside a home in Puerto Princesa City on Friday. Handout

PUERTO PRINCESA CITY — Nagdulot ng matinding pangamba sa isang pamilya sa Barangay San Jose ang panloloob sa kanilang tahanan noong Biyernes.

Sa kuha ng kanilang closed circuit television, 2:34 a.m., may isang lalaking naka-shorts at jacket na may hood ang pumasok sa kanilang bintana sa kusina. Nilaslas nito ang screen ng bintana.

Nagmatyag ito sa paligid at sinubukang buksan ang pintuan ng bahay, at binuksan din nito ang drawer sa living room at kinuha ang ilang gamit.

Ilang beses din itong sumilip sa isa pang bintana na tila may kinakausap. Kaya palagay ng may-ari ng bahay, may kasama ito.

Pumasok din ang lalaki sa isang kwarto at nagtagal ng ilang minuto. Paglabas ay dala ang isang pantalon at inisa-isa ang mga bulsa. Bumalik pa ito sa kwarto at paglabas ay saka dumaan sa bintana ng bahay.

Kasama sa mga natangay ay ang dalawang relo, mga susi ng bahay, at susi ng sasakyan. Nakita ng pamilya ang susi ng sasakyan sa labas ng bahay pagkalipas ng apat na araw. 

Walang nasaktan sa insidente.

Para di na maulit ang insidente, naglagay na ang pamilya ng alarm sa ilang bahagi ng bahay. Maaari rin daw itong gawin sa ibang tahanan, para maiwasan at maalarma ang mga kawatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.