Pantawid ng Pag-ibig: Burgers, sandwiches hatid sa 'frontliners' sa Parañaque, Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2020 07:38 PM | Updated as of Mar 21 2020 10:00 AM

Namahagi ng mga burger at sandwiches ang ABS-CBN para sa mga frontliner na nagre-repack ng mga relief goods sa Parañaque at Muntinlupa City. ABS-CBN News

(UPDATE) Hindi matatawaran ang sakripisyo at dedikasyon ng mga frontliners sa iba ibang larangan sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa at ipinapatupad na lockdown sa buong Luzon.

Pero hindi maiiwasang magdudulot ito ng mga problema sa karamihan, lalo na sa mga manggagawa at kapospalad na umaasa sa araw-araw na kita para matustusan ang pamilya.

Kaya naman bilang suporta sa ginagawa ng mga lokal na pamahalaan, inilunsad ng ABS-CBN ang "Pantawid ng Pag-Ibig" campaign.

"Isa po itong panawagan sa ating mga kababayan na may pusong tumulong na mag-donate po ng cash para pambili po ng pagkain at iba pang pangangailangan sa araw-araw," ayon kay Carlo Katigbak, president at CEO ng ABS-CBN Corporation.

"Para masimulan ang campaign na ito, minarapat ng Lopez Group na mag-donate ng P100 million. Hangad naming walang magugutom sa panahong ito.”

Isa ang McDonald’s sa tumugon sa panawagan ng ABS-CBN. Namahagi ang ABS-CBN ng 375 burger meals sa mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na abala sa pagre-repack ng relief goods para sa mga apektadong pamilya sa lungsod.

"Sa ngalan ng aming siyudad, kami ay nagpapasalamat sa ABS-CBN sa suporta na binibigay niyo sa amin. Ito ay makakarating po sa mga talagang nangangailangan, at lalo na po sa ating frontliners. Sila po ang 24 hours na exposed. Sila po makakatanggap nito, pati ang mga affected residents ng Parañaque," ani Paranaque City Mayor Edwin Olivarez.

Halos 400 sandwiches din ang ibinahagi ng ABS-CBN sa mga security at social workers sa Muntinlupa City.

Nakatanggap din ng food packs ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, San Juan, at Mandaluyong.

Umarangkada na ang kampanya sa Metro Manila.

Pero hangad ng ABS-CBN na mapalawig pa ito sa ibang bahagi ng bansa.

Samantala, nadagdagan ang mga kompanyang partner sa "Pantawid ng Pag-ibig" campaign.

Kabilang dito ang Mcdonald's, Quick Chow Noodles, Mega Sardines, Nestle-Bear Brand, Great Taste 3-in-1, Sunsilk Shampoo, Safeguard, Hana Shampoo, Champion Detergent, at Unilab.

Una nang tumugon ang Century Pacific Food Inc., Rebisco, Suy Sing Corporation, at Lucio Tan Group of Companies noong Huwebes.

Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa pagtugon ng partners sa kanilang panawagan.

Para makapag-donate, maaaring maghulog sa mga sumusunod na bank account:

— Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.