Ilegal na istruktura sa Acacia Tunnel, nakatakdang gibain

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 05:19 PM | Updated as of Dec 07 2018 10:18 PM

Sa Marso 26, 2018 natakdang gibain ang mga ilegal na istrukturang nakatayo sa Acacia Park sa Puerto Princesa City. Chinee Palatino, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA CITY - Nagbaba na ng demolition order ang Puerto Princesa City Mayor's Office para gibain ang mga ilegal na istruktura sa "Acacia Tunnel".

Ang Acacia Tunnel ay hilera ng mga punong acacia sa Barangay Inagawan Sub. 

Matatandaan na noong nakaraang taon, namiligro itong mahagip ng 6-lane superhighway project pero tinutulan ng mga Palaweño sa pamamagitan ng isang online petition.

Target ngayon ng City Government na gawin itong pasyalan at panibagong atraksiyon sa mga turista, pero may mga nagtayo na ng ilegal na istruktura sa lugar.

Pebrero 12 pa nang magbigay ng notice to vacate ang lokal na pamahalaan sa mga naninirahan sa idineklarang danger zone sa Acacia Park dahil ito ay national highway road right of way. Dahil napaso na ang notice to vacate, nagbaba na ng demolition order ang City Mayor's Office.

"Mayroon na po tayong demolition order na natanggap at ito po ay sa next week sa Acacia Park. At the same time, sa road right of way na (may) umuukupa doon mismo sa tabi ng daan," sabi ni Alex Hermoso ng City Anti-Squatting.

Nagbigay naman daw ang city government ng sapat na panahon para boluntaryong kalasin ang mga istruktura at lisanin na ang lugar pero wala umano ni isang sumunod.

"Ang kalsada po ay ipinagbabawal na (may) manirahan lalo't higit may mga anak. May maliliit silang mga anak na sana dapat ay sine-secure nila at inilalagay sa tama. (Kapag) naninirahan ka sa kalsada, hindi mo alam 'yung aksidente kung kailan darating," paliwanag pa ni Hermoso.

Sa darating na Marso 26 isasagawa ang demolisyon sa mga iligal na istruktura sa Acacia Park. 

Ipinagigiba naman ng Barangay San Miguel sa Puerto Princesa City ang ilegal na istrukturang itinayo ng may-ari ng isang boarding house sa natural waterway o estero na nagsisilbing laundry at dining area ng mga nakatira doon. Chinee Palatino, ABS-CBN News

Samantala, ipinagigiba naman ng pamunuan ng Barangay San Miguel sa may ari ng isang boarding house ang itinayo nitong istruktura sa natural waterway o estero sa lugar dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa batas.

Setyembre noong nakaraang taon pa nang madiskubre ng barangay ang naturang istruktura na ngayon ay nagsisilbing laundry at dining area ng boarding house. Agad din daw silang nagpadala ng sulat sa may-ari tungkol dito.

"Napansin namin 'yan noong naglinis kami ng creek. Bawal 'yan sa batas," pahayag ni Kagawad Elmo Brillante ng Committee on Infrastructure ng Barangay San Miguel.

Naka-dalawang beses na umanong sumulat ang barangay sa may-ari ng boarding house pero hanggang ngayon wala pa raw itong tugon. 

"Hindi pa nagpapakita sa barangay," sabi ni Brillante.

Depensa naman ng caretaker ng boarding house na wala silang natanggap na anumang sulat.

"Hindi po namin na-receive ang letter," sabi ni Jovy Inao.

Dumating rin ang nagpakilalang anak ng may-ari ng boarding house pero tumanggi na itong magpaunlak ng panayam. Iginiit niya na wala silang natanggap na sulat. Ipinaalam rin daw nila sa barangay ang pagtatayo ng istruktura.

Kung hindi raw kusang gigibain ito ng may-ari ay mapipilitan ang barangay na ipa-demolish ito sa Puerto Princesa City Anti-Squatting dahil kasalukuyan rin ginagawa ng Department of Public Works and Highways ang kanal doon.

Mahigpit na ipinagbabawal sa Presidential Decree 1067 o Water Code of the Philippines na magtayo ng permanenteng istruktura sa mga natural waterways dahil posible itong magdulot ng pagbabaha. 

"Magdudulot ‘yan ng bottleneck, baha at dam effect," paliwanag ni Engr. Arthur Torillo, tagapagsalita ng DPWH.

Magdudulot din daw ng aberya kung hindi ito agad na gigibain.

"Project namin ‘yang flood control dyan sa San Miguel. Ipapa-inspeksiyon ko ‘yan,” sabi ni Torillo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.