Umano'y ilegal na nangingisda sa Zamboanga del Norte, timbog

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 02:57 AM

Larawan mula kay Joemeleth Tabo-Tabo

ZAMBOANGA CITY - Nahuli ng mga awtoridad nitong Linggo ng gabi ang 6 na commercial fishing vessel na umano'y ilegal na nangingisda sa Siocon, Zamboanga del Norte.

Ayon kay Siocon Mayor Julius Lobrigas, nahuli nila sa akto ang mga barko na nangingisda halos 5 kilometro lang ang layo mula sa coastal area ng lungsod.

Sa ilalim ng Republic Act 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998, mahigpit na ipinagbabawal ang commercial fishing sa loob ng 15 kilometro ng municipal waters. 

Pinahihintulutan lamang na mangisda sa loob ng 10.1 hanggang 15 kilometro ng municipal waters kung may kaukulang permiso mula sa lokal na pamahalaan.

Ayon kay Lobrigas, hindi sila nagbigay ng pahintulot tungkol sa commercial fishing dahil nakaaapekto umano ito sa kabuhayan ng mga lokal na mangingisda.

Giit niya, matagal na nilang inirereklamo ang ilegal na pangingisda ng mga commercial fishing vessel sa kanilang lugar pero wala umanong naging aksiyon ang isang ahensiya ng gobyerno sa kanilang reklamo.

Maliban sa karagatan ng Siocon, nangingisda rin daw ang ilang commercial fishing vessel sa ibang municipal waters ng Western Mindanao.

Kaya aniya humingi sila ng tulong sa militar at Philippine Coast Guard (PCG) para samahan ang kanilang Bantay Dagat na magsagawa ng surveillance sa kanilang municipal waters.

Ayon naman kay Jaydrick Yap, presidente ng Southern Philippines Deep Sea Fishing Association, di sinasadya na mapunta sa municipal waters ang 6 na commercial fishing vessel.

Hindi umano napansin ng mga kapitan ng 6 na barko na pumasok na sila sa municipal waters, dahil sinusundan nila ang galaw ng mga isda gamit ang sonar device.

Giit ni Yap, isolated case ang nangyari at karamihan sa mga commercial fishing vessel ay sumusunod sa batas.

Handa namang magbayad ang 2 fishing company ng kaukulang multa na ipapataw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resource (BFAR) laban sa kanila.

Marso 1 nang magsimula ang open fishing season matapos ang 3 buwang fishing ban bilang bahagi ng sustainability program ng BFAR.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.