Sangkap sa pampasabog nahanap sa bahay ng 2 nasabugan sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 05:37 PM | Updated as of Mar 19 2019 07:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natagpuan ang 125 sako ng ammonium nitrate sa isang bahay na pag-aari rin ng 2 nasawi sa pagsabog sa Santo Tomas, Batangas, sabi ng pulisya ngayong Martes.

Ang ammonium nitrate ay sangkap sa paggawa ng mga pampasabog.

Itinuro sa mga pulis ng mga kaanak nina Jerwin Salazar at Joy Sorima ang isa pang bahay na pag-aari ng 2 biktima sa isang subdivision sa Barangay San Vicente.

Sina Salazar at Sorima ang nasawi noong Lunes sa pagsabog ng isang bahay sa Barangay San Roque, Santo Tomas. Nakaligtas naman ang 5 taong gulang nilang anak na noo'y papalapit pa lang sa bahay galing eskuwelahan.

Ayon sa ina ni Sorima, naikuwento sa kaniya ng apong nakaligtas sa pagsabog na nagluluto si Sorima nang mangyari ang pagsabog.

Sa bahay na sumabog narekober ang 6,000 piraso ng improvised blasting caps na hindi sumabog at mga timing fuse.

Lumabas sa imbestigasyon na kunwari umano ay tindahan ng ukay-ukay ang bahay pero pagawaan pala talaga ito ng blasting caps, na ginagamit sa ilegal na pangingisda at pagmimina. 

Natagpuan din ang mga dokumento na posibleng makapagtuturo kung sino-sino ang mga kliyente ng mga biktima.

Kasama sa mga dokumentong nakita ay mga deposit slip mula sa isang mining company, ani Police Lt. Col. Harold Depositar, hepe ng Santo Tomas police.

Kung mapatutunayang kliyente ng mga biktima ang mining company na nasa mga natagpuan na dokumento, maaari rin itong papanagutin, ayon sa pulisya.

Nilinaw naman ng pulisya na walang kinalaman sa terorismo ang pagsabog.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.