P1.1 bilyong halaga ng 'shabu', nasamsam sa Ayala Alabang

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 11:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA--Nasamsam ng mga awtoridad Martes ng hapon ang nasa P1.1 bilyong halaga ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na operasyon sa Muntinlupa City.

Naaresto rin ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 4 na Chinese national.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, maaaring miyembro ang mga suspek ng sindikatong "Golden Triangle" na nakabase sa mainland China.

Unang isinagawa ang operasyon sa isang mall sa Muntinlupa City kung saan 3 ang nahulihan ng higit 40 kilo ng umano'y shabu.

Nagsagawa ng follow-up operation ang PDEA sa isang bahay sa loob ng Ayala Alabang Village kung saan narekober ang higit 100 kilo ng hinihinalang shabu.

Ayon sa PDEA, ang bahay sa Ayala Alabang Village ang sinasabing imbakan ng ilegal na droga.

Ang mga droga ay naka-vacuum-pack sa pambalot ng tsaa at isinilid sa mga lata ng biskwit.

Duda ni Aquino, ipinuslit sa karagatan ang mga kontrabando.

Aalamin ng PDEA kung konektado ang mga suspek sa mga nahuli nila sa Cavite kamakailan.

Iimbestigahan din ang may-ari ng bahay na inupahan ng mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.