Hepe ng Quezon police sibak matapos ang pagkamatay ng anak ng alkalde

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 04:34 PM

Sinibak sa puwesto ngayong Martes ang hepe ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) kaugnay sa umano ay engkuwentro na nauwi sa pagkamatay sa anak ng alkalde ng Sariaya, Quezon. 

Inalis sa puwesto ni Calabarzon police director, Police Brig. Gen. Edward Carranza si QPPO director, Police Col. Osmundo de Guzman dahil sa command responsibility habang iniimbestigahan ang pagpatay ng mga pulis mula Tayabas, Quezon kay Christian Gayeta, anak ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta.

Bago nito, nauna nang sinibak ang hepe ng Tayabas police at 3 nitong tauhan.

Nasawi noong Huwebes si Gayeta, 21, matapos umanong makaengkuwentro ang mga pulis-Tayabas na nakatanggap ng ulat na may nagpaputok ng baril sa isang gasolinahan.

Sinabi ng gasoline boy sa ulat na pinaputukan siya ng 2 lalaking sakay ng motorsiklo.

Napatay rin sa engkuwentro ang isang kasamahan ni Gayeta.

Iniimbestigahan na rin ng Philippine National Police kung may kapalpakan sa operasyon.

Papalitan ni Police Col. Joseph Arguelles si De Guzman bilang hepe ng Quezon province police.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.