4 pulis-Quezon, inalis sa puwesto kaugnay sa 'engkuwentro' ng anak ng alkalde

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 04:43 AM

MAYNILA - Tinanggal sa puwesto ang hepe ng Tayabas Police Station at 3 nitong tauhan kaugnay sa nangyaring umano'y engkuwentro ng mga pulis sa anak ng alkalde ng Sariaya, Quezon.

Pinaiimbestigahan ni Police Col. Osmundo de Gusman, direktor ng Quezon Police Provincial Office, ang insidente.

Pinarereport ang mga pulis sa provincial headquarters sa Lucena City.

Itinalaga naman bilang hepe ng estasyon si Police Lt. Col. Roderick Tonga.

Namatay sa umano'y engkuwentro noong Marso 14 si Christian Gayeta, 21, na anak ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta.

Unang sinabi ng Tayabas police na nakatanggap sila ng reklamo mula sa isang gasoline boy na pinaputukan siya ng baril ng 2 lalaking sakay ng motorsiklo.

Agad rumesponde ang mga pulis subalit pinaputukan umano sila ng 2 nakamotorsiklo. Nagresulta umano ito sa engkuwentro na ikinamatay ni Gayeta at kasamahang si Christopher Manalo.

Hiniling na ng alkalde sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang insidente dahil duda ito sa sinasabi ng pulisya na nanlaban ang kaniyang anak. - Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News