2 miyembro ng Abu Sayyaf patay sa hiwalay na engkuwentro sa Sulu, Basilan

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 08:21 PM

Dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group ang napatay sa magkahiwalay na engkuwentro sa Basilan at Sulu Martes.

Ayon sa Western Mindanao Command, nakasagupa ng mga sundalo ng 18th Infantry Battalion ng Philippine Army ang 10 armadong bandido sa Barangay Bohe Pahu sa bayan ng Ungkaya Pukan, Basilan alas-8:15 ng umaga Martes.

Pinamumunuan umano ni Abu Sayyaf Commander Furudji Indama ang nasabing grupo.

Isa sa mga bandido ang namatay. Nakuha rin mula sa grupo ang isang M16 rifle.

Matapos ang 15 minuto, nagkasagupa muli ang mga bandido at ang mga militar. Tumagal ng 5 minuto ang engukwentro.

Noong Biyernes, isang miyembro ng Abu Sayyaf ang nasawi habang isa naman ang naaresto sa engkuwentro sa isla ng Banguingui sa Sulu.

Kinilala ng militar ang namatay na bandido na si Hamza Hamad, 19 anyos at mula Sirawai, Zamboanga del Norte.

Nakuha ang kaniyang bangkay sa Barangay Simusa.

Arestado rin si Alvin Mohammad, residente ng Barangay Bakaan sa Banguingui.

Umamin si Mohammad na isa siya sa mga tauhan ni Abu Sayyaf sub-commander Najir Arik na siyang namuno sa mga nakaengkuwentro ng militar.

Unang nagkasagupa ang mga bandido at militar 11:44 ng umaga habang nagsasagawa ng operasyon ang mga sundalo. 

Matapos ang halos isang oras, nakasagupa naman ng mga sundalo ng 21st Marine Company ng Marine Battalion Landing Team 1 ang parehong grupo ng mga bandido sa Sitio Mono-mono.

Tumagal ng 3 minuto ang palitan ng putok. Walang naiulat na nasaktan sa panig ng mga militar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.