TIPS: Ilang paraan para maging productive ang home quarantine

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 06:03 PM | Updated as of Mar 20 2020 03:31 PM

MAYNILA — Pinaiiral ngayon sa buong Luzon ang enhanced community quarantine upang maiwasan pa ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kabilang sa mga patakaran nito ang mahigpit na home quarantine para sa lahat ng residente, maliban na lamang sa frontliners, health workers at iba pang mga exempted. Suspendido din ang lahat ng public transport para hindi makagalaw ang mga tao. 

Tatagal hanggang Abril 13 ang lockdown. 

IWAS-BAGOT TIPS

Para kay Judith Vizon, dahil hindi basta-bastang makakalabas ng bahay sa loob nang isang buwan, ito na ang panahon niya para mag-general cleaning.

"Ako, may tambak. Kailangan iligpit. Inuunti-unti namin from the taas pababa. Itapon ang mga hindi na kailangan," sabi niya. 

Ang mister ni Vizon, sinimulan nang ayusin ang mga gamit sa bahay na hindi naaasikaso noon dahil busy sa trabaho.

Ang kanilang mga anak naman, pag-aaral, paglalaro, at pag-e-exercise ang pinagkakaabalahan.

"Si daddy nagre-repair ng mga hindi nagagawa dahil sobrang busy nung nakakalabas kami... [Ang mga bata] nire-remind kong mag-study kasi andami nilang nabitin," sabi ni Vizon. 

Kaniya-kaniyang share din ang netizens ng kanilang ginagawa habang naka-home quarantine. 

Sa Facebook post ni Sari Razon, lalo pang pinaghusay ng kaniyang asawang si Chito ang pagpe-painting habang naka-quarantine sa Antipolo.

Nag-viral naman ang post ni Bayan Patroller Alvin Martin, kung saan ibinahagi niya ang kanyang tila "around the world" trip sa pamamagitan ng isang photo shoot sa kanilang bahay sa Sultan Kudarat.

Kuwento niya, paraan niya ito para mapagaan ang loob sa harap ng banta ng COVID-19.

Sa gitna ng enhanced community quarantine sa Luzon, ang frontliners ay kailangan pa ring gampanan ang kanilang tungkulin.

Kaya’t laging paalala ng pamahalaan sa publiko, gawin ang kanilang parte at manatili na lamang sa loob ng bahay.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.