Luzon lockdown day 2: Taxi nakipaghabulan sa HPG, mga traysikel tiniketan

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 08:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa ikalawang araw ng enhanced community quarantine sa Luzon, may ilang manggagawa pa ring nakikipagsapalaran kahit alam nilang bawal at posible silang hulihin.

Ang isang taxi driver sa Pasay City, nakipaghabulan pa sa mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) sa kahabaan ng Macapagal Boulevard. 

Nang mapara, sinita ang tsuper pero depensa nito, pinilit siya ng mga pasahero.

"Alam ko naman po eh... Kaso sumakay 'yung dalawa sa akin," ayon sa tsuper. 

Nasampolan din ang ilang tricycle sa Araneta Avenue sa Quezon City.

Ang ilan sa kanila, walang lisensiya o rehistrong maipakita.

Maagang nag-ikot ang mga tauhan ng HPG sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila para tiyaking walang mga public utility vehicle (PUV) na lumalabag sa pinatutupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Sa kabuuan, mahigit 10 tricycle at taxi ang natiketan ng HPG at ilan sa kanila ay sa impounding ang bagsak.

Sabi ni Police Brig. Gen. Eliseo Cruz, hepe ng HPG, marami na raw ang sumunod ngayon sa pansamantalang direktiba. 

Pinatutupad ang enhanced community quarantine para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019, na naka-infect na sa 202 tao sa Pilipinas.

Kabilang sa patakaran nito ang istriktong home quarantine maliban sa ilang uri ng trabaho, pati na rin ang suspensiyon ng public transportation. —Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.