Ilang stranded na estudyante, tumulong sa paggawa ng improvised face shields

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 03:05 AM

Kuha ni Hannah Labrador

Miag-ao, Iloilo -- Dahil nasa dorm lang, minabuti ng mga estudyante ng UP Visayas (UPV) na tumulong sa paggawa ng mga improvised face shields na gagamitin ng mga health workers sa ospital sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Humingi kasi ng tulong ang isang UPV student dahil may ina itong nagtatrabaho sa ospital sa Iloilo City. Nagpadala ng mga materyales ang nasabing ospital at nagpadala rin ng pondo ang Philippine College of Physicians - Visayas Chapter para masimulan ang paggawa ng mga face shields.

Nananatili pa sa dormitory ng University of the Philippines Visayas sa Miag-ao, Iloilo ang mahigit 100 estudyante matapos ma-stranded. 

Hindi na nakauwi ang mga ito matapos masuspinde ang flights ng eroplano at nagpatupad ng border restrictions ang iba't ibang lugar sa bansa.

Tulong-tulong ang mga na-stranded na estudyante kasama na rin ang UPV University Student Council (UPV-USC) sa paggawa ng mga face shields. Ginamitan nila ito ng foam, acetate, magic tape, double sided tape at stapler.

Sa loob lamang ng ilang oras ay nakagawa sila ng mahigit 100 improvised face shields at ipapadala na ito sa isang ospital dito sa lungsod.

Sa ngayon na nagkakaubusan ng face masks, mahalaga ang mga ganitong klaseng proteksyon lalo na sa mga health workers at frontliners na siyang humaharap sa mga COVID-19 persons under investigation.

Ayon naman sa chairperson ng UPV-USC na si Adrian Camposagrado, bukas sila sa mga donasyon para makagawa pa ng mas maraming improvised face shields na magagamit sa mga ospital at iba pang health facilities.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.