Payo ng public health expert: Seryosohin ang enhanced quarantine

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2020 05:27 PM | Updated as of Mar 17 2020 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinayuhan ng isang public health expert ang publiko na manatili sa bahay at seryosohin ang enhanced community quarantine na ipinatupad ng gobyerno sa Luzon para maiwasang makadagdag sa mga kaso ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

"Kung wala po kayong interaction o pakikisalamuha sa ibang tao, hindi po kayo puwedeng mahawa kasi tao lang po ang may dala niyan eh," sabi ngayong Martes ng doktorang si Susan Mercado sa ABS-CBN News.

Nag-anunsiyo noong gabi ng Lunes ang gobyerno ng enhanced community quarantine sa buong Luzon kung saan magpapatupad ng mahigpit na home quarantine.

Papayagan lamang ang mga tao na lumabas ng bahay kung bibili ng basic goods at necessities gaya ng mga pagkain, gamot, at iba pa.

Nagpatupad na rin ang iba-ibang pamahalaang lokal sa Visayas at Mindanao ng mga hakbang para manatili sa bahay ang mga tao at maiwasan ang pagkalat ng malapulmonyang COVID-19.

Naniniwala si Mercado na close contact o pakikisalamuha pa rin ang naging paraan ng pagkalat ng COVID-19 sa Pilipinas.

Halimbawa, si PH12 -- o iyong ika-12 nagpositibo sa sakit -- na taga-Maynila ay contact o kakilala ni PH41 na taga-Makati. Posibleng sa kaniya nakuha ni PH41 ang sakit, na naipasa naman niya sa mga kapatid na sina PH44 at PH88 na parehong taga-San Juan.

Nitong Martes, inanunsiyo ng Department of Health na may 45 bagong nagpositibo sa COVID-19 kaya umabot na sa 187 ang kabuong bilang ng mga nahawahan ng sakit sa bansa.

Ayon pa sa DOH, umabot na sa 4 ang kabuuang bilang ng mga gumagaling sa sakit sa bansa. Ang pinakabago ay si PH25, isang 31 anyos na lalaki na na-repatriate mula sa Diamond Princess Cruise Ship. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.