Bilang ng mga Pinoy na masaya sa kanilang buhay bumaba: SWS

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2019 07:35 PM | Updated as of Mar 17 2019 09:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumaba ang bilang ng mga Pinoy na nagsasabing masaya sila sa kanilang buhay, base sa survey na inilabas ngayong Linggo ng Social Weather Stations (SWS).

Sa survey na isinagawa noong Disyembre, 87 porsiyento ang nagsabing sila ay talagang masaya at medyo masaya. Mas mababa ito ng 7 puntos kumpara sa naitala noong Disyembre 2017 at ang pinakamababang resulta ng survey sa loob ng 4 na taon.

Sa 87 porsiyento, 39 porsiyento ang nagsabing talagang masaya ang kanilang buhay habang 48 porsiyento naman ang medyo masaya sa kanilang buhay.

Labingisang porsiyento naman ang nagsabing hindi sila masyadong masaya at 2 porsiyento ang talagang hindi masaya.

Sa kabuuan, 82 porsiyento naman ang nagsabing lubos na nasisiyahan at medyo nasisiyahan sa kanilang buhay. Bumaba ito ng 10 puntos kumpara sa naitala noong Disyembre 2017.

May 18 porsiyento naman ang hindi nasisiyahan at lubos na hindi nasisiyahan sa kanilang buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.