Nagnakaw sa donation box ng simbahan, arestado

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2018 10:18 AM

MANILA – Kalaboso ang isang lalaki matapos mahuling nagnakaw umano sa donation box ng isang simbahan sa kanto ng Benavides Street at Masangkay Street sa Sta. Cruz, Biyernes ng gabi.

Namasukan bilang construction worker ng simbahan ang suspek na si alyas Jay, 19 anyos.

Ayon sa pulisya, pasado alas-6 ng gabi nang makita sa CCTV ng secretary ng simbahan na pinapakialaman ni Jay ang isa sa kanilang donation boxes.

Nang silipin nila ang kahon ay nawawala na ang laman nitong pera na mahigit P10,000.
 
Agad humingi ng tulong sa barangay ang mga empleyado ng simbahan na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. 

Hindi naman narekober pa ang nanakaw na pera.

Nahaharap sa kasong qualified theft ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.