DOH: Bilang ng nasawi sa COVID-19 sa PH nasa 11 na

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2020 06:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tatlong tao pa ang nadagdag sa mga namatay dahil sa 2019 coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH), kaya sa kabuuan ay umabot na sa 11 ang bilang ng mga pumanaw dahil sa sakit.

Kabilang sa mga binawian umano ng buhay ang isang 86 anyos na lalaking Amerikano mula Marikina City, isang 40 anyos na lalaking Pilino mula Pasig, at 64 anyos na lalaking Pilipino mula Negros Oriental.

Ayon pa sa DOH, nadagdagan ng 29 ngayong Linggo ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 kaya umabot na sa 140 ang nagpopositibo sa sakit sa bansa.

Nasa 153 naman ang mga patient under investigation na naka-admit sa iba-ibang pagamutan sa bansa para marami na rin umano ang na-discharge at nagnegatibo sa COVID-19.

Bukod kay Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Christopher "Bong" Go, ilan pa sa mga opisyal ng pamahalaan na nagnegatibo sa sakit ay sina Executive Secretary Salvador Medealdea, Finance Secretary Carlos Dominguez, Transport Secretary Arthur Tugade, at Public Works and Highways Secretary Mark Villar.

Samantala, nilimitahan na ng ilang ospital, gaya ng Philippine General Hospital, ang pagtanggap ng ilang pasyente sa kanilang outpatient department at bibigyang prayoridad na lang ang mga emergency surgery.

Humihingi naman ng tulong ang medical professionals sa publiko dahil mabilis na nauubos ang supply nila ng mga personal protective equipment.

Puwede umanong deretsong mag-donate sa ospital at health facilities ng N95 masks, surgical masks, alcohol, gowns, gloves, pagkain, at bitamina. -- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.