Ilang residente natutulog sa kalsada para di maagawan sa rasyon ng tubig

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 06:20 PM | Updated as of Mar 15 2019 09:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inuumaga sa pag-aabang ng suplay ng tubig mula sa mga bombero ang ilang residente sa Mandaluyong at Quezon City na apektado ng water interruption ng Manila Water. 

May ilang residente na naglalatag ng karton at natutulog sa kalsada sa Barangka Drive sa Mandaluyong City para mag-antay ng rasyon ng tubig mula sa mga dumaraang trak. 

May ilan namang residente na nagpipila ng kanilang mga lalagyan ng tubig. Kada apat hanggang limang oras dumaraan ang mga bombero sa pila para magbigay ng suplay ng tubig. 

Ayon sa ilan, takot silang maagawan sa pila kaya nila ito ginagawa. 

May ilang lugar din gaya ng Irid Street na buong gabi hindi nabibisita ng mga trak. 

Kani-kaniyang takbo dala ang mga lalagyan ng tubig ang mga nakatira sa Sambahayan Condominium na inaabot ng alas-4 ng madaling araw sa pag-aabang. 

Pinoproblema naman ng mga senior citizen gaya nina Nenita Tanel at Ruth Peolio ang gabi-gabing pag-akyat ng tubig papunta sa mga unit nila. 

"Nasa 5th floor pa kami, tapos hakot, baba, hakot, baba. Parang wala na kaming ibang magawang trabaho lahat focus dito," ani Peolio. 

Hirap na ring maghanap ng maiigiban ang mga fire volunteer crew na 12 oras inaabot sa paghahatid ng tubig sa 12 pinakaapektadong barangay sa Mandaluyong. 

SITWASYON SA QC 

Apektado rin ang mga presinto sa water interruption, partikular na sa Cubao Police Station kung saan pinoproblema ang pagligo at pagdumi ng mga preso. 

Inaabot na rin ng madaling-araw ang pila sa Annapolis sa Cubao at sa Sikatuna Village. 

Pero sa ilan, kulay-lupa ang rasyong tubig kaya pinayuhan ang mga residente na ipambuhos na lang ito sa banyo. 

Bagaman bumalik ang suplay ng tubig sa Barangay South Triangle ay mahina ang pressure nito. 

Watch more in iWant or TFC.tv

BYPASS NG TUBIG DAPAT BUKSAN?

Nagkasagutan naman sina Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) chief regulator Patrick Ty at ang isang dati umano'y empleyado ng MWSS sa pagbubukas ng tinatawag na "bypass."

Ang bypass ang naghahati sa suplay ng tubig na makukuha ng Manila Water at Maynilad mula sa Angat Dam. Ito rin ang siyang nagre-regulate ng daloy ng tubig na makukuha ng dalawang concessionaire. 

Sa nag-viral na Facebook comment ng isang nagpakilalang dating empleyado ng MWSS, nag-umpisa umano ang problema nang ipasara ng MWSS ang bypass sa La Mesa Dam at maaayos ito kapag pinabuksan muli ang dam.

Pero iginiit ni Ty na matagal nang nakabukas ang naturang bypass at mawawalan ng suplay ang Manila Water kung isasara ito.

"For the record, the bypass is open. It is not closed... If it is closed, Manila Water would not have water at all," aniya sa isang press conference. 

Sa pahayag naman ng Maynilad, sinabi nitong bukas na ang bypass simula pa noong Pebrero 2018.

Watch more in iWant or TFC.tv

Tiniyak naman ng MWSS at mga water concessionaire na hindi sila magtataas ng singil dahil pinal na at aprubado na ang rate rebasing hanggang 2022. 

Samantala, nitong Biyernes ng tanghali ay iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapakawala ng tubig mula sa Angat Dam para sumapat ang suplay sa loob ng 150 araw.

-- Ulat nina Anjo Bagaoisan, Jeck Batallones, at April Rafales, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.