DOH nagbigay ng payo sa ligtas na pag-iimbak ng tubig para iwas-sakit

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 06:32 PM | Updated as of Mar 15 2019 08:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil sa kawalan ng tubig sa maraming bahagi ng Metro Manila, nagpayo ang Department of Health (DOH) na maging maingat sa kaliwa't kanang pag-iimbak dahil maaari itong pamugaran ng lamok na may dalang dengue.

Ayon kay DOH secretary Francisco Duque III, dapat maging maayos ang pag-iimpok ng tubig lalo’t inaasahang ngayon taon ay muling tataas ang kaso ng dengue.

Mula Enero 1 hanggang Marso 2, umabot na sa mahigit 40,000 ang kaso ng dengue sa buong bansa. Mas mataas ito ng 68 porsiyento kumpara noong 2018.

"Mukhang lolobo ang kaso ng dengue. Pakiusap sa nag-iimbak, puwedeng takpan ng plastik ito. Siguraduhing wag itong pamugaran ng kiti-kiti... Walang gastos 'yan, plastic lang ang pantakip," payo ni Duque.

Ang mga nakukuhang tubig sa rasyon, dapat gamitin lang daw na panligo o panlinis ng paligid.

Pero kung hindi talaga maiiwasang inumin ito, paalala ng DOH ay siguruhing pinakuluan ito nang maigi para makaiwas sa sakit.

Higit isang linggo nang nakararanas ng malawakang water interruption sa Metro Manila matapos magkaroon ng aberya ang suplay ng tubig ng Manila Water.


—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.