Backhoe at harvesting equipment, sinilaban sa Bukidnon

PJ dela Pena, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 05:47 PM

Hinihinalang kasapi ng New People's Army ang sumalakay at nanunog sa equipment ng Davao Agriculture Ventures Company Inc. sa Bukidnon. Larawan mula sa 403rd Brigade, Philippine Army

DON CARLOS, Bukidnon - Nilusob ng 14 na armadong lalaki na hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) ang plantation area ng Davao Agriculture Ventures Company Inc. [DAVCO] sa Barangay San Nicolas, Huwebes ng gabi.

Ayon kay Police Corporal Glicerio Hallasgo, pawang short firearms ang dala ng grupo na naka-motorsiklo.

Sinilaban nila ang isang boom harvester at backhoe ng kumpanya.

Kinuha rin ang cellphone ng guwardiya. Nang makausap ng guwardiya ang mga suspek, sinabi nilang unit lamang sa kumpanya ang pakay nila at kung kilala niya ang NPA.

Sabi ni Hallasgo, nabanggit ng kumpanya na may extortion letter silang natanggap noong 2018 pero hindi sila nagbigay.

Ang DAVCO ay may plantasyon ng pinya sa Don Carlos.

Nagsagawa ng road blocks ang pulisya pero nakatakas na ang grupo.

Kinondena naman ni Col. Edgardo De Leon, Commander ng 403rd Brigade sa Bukidnon ang panununog sa civilian properties.

Magsusumite ang militar ng report sa Commission on Human Rights at papaimbestigahan ang pangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.