1 patay, 2 sugatan sa rambol sa lamay

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 04:39 PM

BAGUIO CITY – Isa ang patay habang sugatan naman ang dalawang iba pa matapos magkagulo sa isang lamay, Martes ng madaling araw.

Nakilala ang nasawi na si Rhandy Difuntorum, 35, na nasaksak sa dibdib at likod.

“Gusto namin ng hustisya. Kasi 'yung nangyari sa kaniya hindi niya deserve. Kung makikita niyo lang, hindi niya talaga deserve na mangyari 'yun sa kaniya,” sabi ni Mary, kapatid ng namatay.

Sugatan naman ang mga pinsan nitong sina Peter Salvador, 46, at isang alyas Boyet.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikita ang grupo ng mga lalaki na nagtakbuhan habang napahiga naman ang isa sa mga ito na kinilalang si Salvador.

Kinuyog siya at hinampas ng upuan. Hinampas din daw ito ng tubo.

Kinailangang operahan sa ospital si Salvador dahil sa nabaling buto at sugat sa ulo.

Sa isa pang CCTV footage na nakuha ng pulisya, makikita naman ang nangyaring habulan sa isa pang kalsada sa Barangay Lourdes Extension.

Napahiga ang kasamahan ni Salvador at bigla itong hinampas ng tubo ng lalaking naka-jacket.

Ayon sa pulisya, sugal sa lamay ang ugat ng rambulan.

“Nagkatuwaan yata. Parang nagtaya-tayaan. Pusoy ba. Nagkainitan po 'yung dalawang grupo,” pahayag ni Police Major Arnold Caguio.

Sa nangyaring rambol, nasaksak sa tagiliran si alias Boyet.

Ang lalaking may hawak ng tubo na nakita sa CCTV footage ang naging bangka sa sugal. Uminit daw ang ulo nito nang sitahin ng grupo nila Salvador na may hindi pa raw siya nababayaran.

Mapapabilis daw sana ang pagkamit ng hustisya kung tetestigo ang mga nakakita sa pangyayari. Pero lahat ng nilapitan ng pamilya at ng mga pulis ay takot magsalita.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.