Biro sa pulutan, nauwi sa pananaga; 2 sugatan

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 11:37 AM

Itinuro ng isang pulis ang lugar kung saan naginuman ang 3 katao na nauwi sa pananaga sa Pangasinan, Marso 14, 2018. Photo courtesy of Basista Police.

BASISTA, Pangasinan – Nakakulong na ngayon ang isang 41-anyos na lalaki na nanaga ng kumpare at pinsan habang nagiinuman Miyerkoles sa Barangay Bayoyong.

Ayon sa pulisya, galing na sa inuman ang 3 at itinuloy pa nila ito sa bahay ng suspek. Doon, kinantiyawan siya ng mga biktima na maglabas ng pulutan.

"Naubos na ‘yung pulutan nila. Binibiro 'yung suspek na maglabas ng pulutan. Walang maibigay 'yung suspek sa kainuman. Nagbiro nang nagbiro itong mga biktima hanggang sa nag-iba 'yung mood ng suspek,” kuwento ni Senior Inspector Henry Garcia, hepe ng Basista Police.

Kumuha ng itak ang suspek at pinagtataga ang 46-anyos na kumpare na hanggang ngayon ay inoobserbahan pa rin sa Pangasinan Provincial Hospital.

Nakailag naman ang 54-anyos na pinsan na nagtamo ng minor injuries.

Nang mahimasmasan ang suspek, ipinaliwanag nito na napikon lang daw siya dahil sa pagmumura ng mga kainuman.

Umutang pa nga raw siya ng alak para mapainom sa mga ito. Para na rin daw sa anak niya ang natitirang ulam sa kanilang bahay.

Desidido ang kumpare ng suspek na magsampa ng kaso habang makikipag-areglo na lang daw ang kaniyang pinsan.

Paulit-ulit naman ang paalala ng awtoridad na huwag sobrahan ang pag-inom ng alak dahil karaniwang nauuwi ito sa gulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.