Lolo, pinagtataga ng adik sa Cavite

Dominic Almelor, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2017 07:01 PM

Pinagtataga ng isang drug addict hanggang sa mapugutan ng ulo ang isang 75-anyos na lalaki sa Tanza, Cavite.

Gumuho sa isang iglap ang mundo ng pamilya Grepo matapos ang malagim na sinapit ng kanilang padre de pamilya na si Epifanio.

“Nakita ko ang tatay ko bumagsak na, wakwak na ang leeg, tinataga pa rin,” sabi ng anak ng biktima na si Marina Grepo.
 
Sa edad na 75, walang kalaban-laban na pinagtataga ang biktima ng 36-anyos na suspek na si Rodrigo "Diego" Tumangday sa loob ng kanilang bahay sa Calibuyo, Tanza, Cavite kahapon ng tanghali.

“Nakakaawa po ginawa sa kanya. Lahat ng bahagi pinagputol-putol. Yung pinakapanga niya, yung mata, nawala yung paa ganun din ginawa labas ng po yung buto,” dagdag ng isa pang anak ng biktima na si Francisca Reyes.
 
Kapamilya na ang turing ng pamilya sa suspek kaya nagulat sila na nagawa nito ang krimen.
 
“Hinainan pa nga ng asawa ko ng pagkain. Sinandukan pa bago hinalikan asawa ko sa at sabi salamat,” sabi ng asawa ng biktima na si Edna Grepo.
 
Tinaga rin ang anak na si Marcial pero nagawa niyang makatakas at nakahingi ng tulong sa barangay at pulisya.
 
Dead on the spot si Tumangday matapos na manlaban umano sa mga pulis.
 
“Nagmura pa po ito at nagsabi na papatayin ko kayong lahat. Nagpaputok yung suspek ng tatlong beses buti po nakapagtago ang mga pulis sa puno,” sabi ni PO3 Israel Villela, chief investigator ng Tanza Police.

Pero para kay Marina, “Dapat nga ho tsinap-chop siya. Hindi siya binaril. Hirap na hirap ang ginawa niya sa tatay ko gusto ko nahuli siya ng buhay at kami magpapahirap sa kanya.”
 
Narekober sa crime scene ang itak at baril na ginamit ng suspek.
 
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na lulong sa iligal na droga ang suspek na maaaring dahilan kung bakit nito nagawa ang pagpugot sa biktima. Matindi naman ang panawagan ng naulilang pamilya sa gobyerno na maisabatas na ang parusang kamatayan.
 
Nakuha rin ang ilang sachet ng droga at mga drug paraphernalia sa bahay ng suspek.
 
“Dapat po ibalik na yang death penalty para lahat po na adik na nagkakaganyan pinapatay na, nakakaperwisyo sila,” sabi ni Marina.

“President Duterte, sana po death penalty niyo na lang po kasi kagaya po ng nangyari sa tatay ko napakabait po pero masahol po sa hayop ang pagpatay sa kanya,” sabi ni Francisca.
 
Hindi pa maiburol ang biktima dahil hinihingan sila ng punerarya ng P25,000 para matahi ang naputol na ulo.

Nanawagan naman ang pamilya ng tulong dahil hindi nila alam kung saan kukuha ng ganito kalaking halaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.