Duterte bigong mapagkasundo ang Senado, Kamara ukol sa 2019 budget

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2019 08:26 PM | Updated as of Mar 13 2019 09:34 PM

Bigo si Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin ang bangayan ng Kamara at Senado tungkol sa 2019 national budget, na umano'y minanipula kahit pa naratipikahan na ng mga mambabatas. 

Sa pulong nina Duterte at liderato ng Kamara at Senado noong Martes ng gabi, wala pa ring pinal na budget na ipinapasa sa Pangulo. 

"There is a budget impasse due to some constitutional questions raised by both chambers. Only Congress can resolve and break this impasse. We call on the senators and representatives to break the stalemate and deliver to the Filipino people an appropriations law," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Isa sa pinalulutang na solusyon ng mga senador ay bawiin ang naunang naratipikahang budget at magpulong ulit ang bicameral conference committee para plantsahin ang gusot. 

"Bawiin niyo 'yung pinadala niyo sa amin, gawin niyong enrolled bill 'yung napag-usapan natin at ang Pangulo na bahala sa issue ng itemization kasi di naman papayagan ng Pangulo kung may tagilid. Doon sila humingi sa Pangulo," sabi ni Senate President Tito Sotto. 

Si Sotto ang nagbunyag noong nakaraang Linggo na naglipat ng nasa P79 bilyong budget ang Kamara mula sa aprubadong budget.

Pero sabi ng liderato ng Kamara, huwag daw makialam ang mga senador sa naturang budget. 

"Huwag niyo kami pakialaman dahil hindi namin kayo pinakikialaman," ani House Majority Leader Fredenil Castro.

Pero puna ni Senador Ping Lacson, labag sa Saligang Batas ang ginawang pagmamaneobra umano ng Kamara sa budget. 

"Eh unconstitutional 'yan eh. That’s everybody’s concern... because that's tantamount to falsification of the records of the legislative process... Ang di namin maintindihan, bakit ang Kamara hinintay ma-ratify bago sila mag-realign. Problema sa realignment, that’s basically an amendment," aniya.

Nagbabala naman ng Palasyo sa mga negatibong epekto sakaling walang 2019 budget na maipasa. 

Anila, daan-daan libong trabaho ang mawawala at halos P400 bilyon ang di mapapakinabangan. 

Dagdag pa ni Duterte, sobrang babagal ang ekonomiya kung maantala o mabibigong mapasa ang budget para sa buong taon. —Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.