Int'l monitoring team, kailangan sa peace process: Dureza

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2017 07:29 PM

Presidential peace adviser Jesus Dureza. File

Nais ng gobyerno na magkaroon ng international peace monitoring team habang isinasagawa ang peace talks sa National Democratic Front (NDF). 

Ayon kay Presidential peace adviser Jesus Dureza, kailangang magkaroon ng third party na tatayong monitoring team habang isinasagawa ang peace negotiations. 

Dagdag pa ni Dureza, humingi na siya ng suporta sa international community para magsilbing third party monitoring team upang maiwasan ang karahasan ngayong gugulong ulit ang peace talks at ceasefire sa mga komunistang rebelde.

Mahalagang bahagi umano ang pakikipagtulungan ng international partners ng Pilipinas sa ikatatagumpay ng ilalatag na "road map for peace" ng administrasyong Duterte.

Katulad umano ito noong may usaping pangkapayapaan ang gobyerno at Moro Islamic Liberation Front kung saan may international team na tumitiyak na walang lalabag sa kasunduan.

Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sa peace road map ng Duterte administration ang Japan International Cooperation Agency, International Alert, The Asia Foundation, International Committee of the Red Cross, at United Nations Development Programme.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.