Pinay sisante sa Saudi matapos haluan ng ihi ang inumin ng amo para ‘bumait’

Charles Tabbu, ABS-CBN MIddle East News Bureau

Posted at Mar 12 2019 03:04 PM

Pinagsisihan ni Armida ang kaniyang ginawa sa amo habang inaayos na ang pagpapauwi sa kaniya sa Pilipinas.


JEDDAH, Saudi Arabia – Tanggal sa trabaho ang isang Pilipina matapos niyang haluan ng ihi ang inumin ng amo para umano bumait sa kaniya.
 
Inamin ng 40 anyos na Pinay na si alyas Armida ang ginawa dahil sa paniwalang babait ang amo kapag nakainom ng kaniyang ihi.

“May nagsabi kasi sa akin na para bumait daw sila, kaya binigyan ko lang naman ng konti,” sabi niya.

Naghinala na ang kaniyang amo nang maamoy ang ihi sa iniinom na tubig. Una na itong itinanggi ni Armida pero ipinasuri ng amo sa doktor ang tubig at nakumpirmang may ihi nga ito.
 
Sa galit ng amo, ipinainom sa kaniya ang tubig na may ihi. 

Agad din itong ipinagbigay-alam ng kaniyang amo sa agency na nag-deploy sa kaniya.

Payo naman ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) na huwag gawin ito kahit ano pa ang galit sa amo.

“Lesson learned ito sa ating mga kababayan, na kahit anuman ang galit nila sa amo nito, iparating lang sa amin, at kami na ang mag-aayos. Puwede naming pag-usapan kung ano ang inyong idinadaing sa inyong sponsor. Magpasalamat siya at hindi kinasuhan ng kaniyang sponsor,” sabi ni Labor Attaché Nasser Munder.

Magtatatlong buwan pa lamang si Armida bilang kasambahay sa kaniyang amo.
 
Pinagsisihan naman niya ang kaniyang nagawa. 
 
“Hinding-hindi na po. Akala ko makakabuti iyon sa akin,” sabi niya.
 
Inaasikaso na ng POLO-Overseas Workers Welfare Administration at ng kaniyang agency ang pagpapauwi kay Armida. 

Nais na lamang ni Armida na umuwi sa Pilipinas at alagaan ang tatlo niyang anak.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.