'Imbak sa La Mesa Dam kritikal na, bababa pa'

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2019 07:34 PM

La Mesa Dam, Marso 2019. Retrato mula kay Keisie Marfil

Umabot sa critical level nitong umaga ng Lunes ang antas ng tubig sa La Mesa Dam, base sa datos ng state weather bureau na PAGASA.

Naitala nitong alas-6 ng umaga ang 68.93 metro ang water level sa reservoir, mababa sa critical level na 69 metro, ayon sa PAGASA.

Inaasahan na sa mga susunod na araw ay aabot pa sa pinakamababang antas sa kasaysayan ang antas ng tubig sa La Mesa Dam, ayon sa pag-aaral ng mga hydrologist sa PAGASA.

Taong 1998 nang maitala ang pinakamababang antas na 68.75 metro sa reservoir ng La Mesa.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bunsod ng pagbaba sa critical level, inaasahang mababawasan pa ang suplay ng tubig ng Manila Water.

"Ang epekto po 'pag na-meet ng La Mesa ang critical low, magkakaroon ng water supply shortage or rationing ng water," ani PAGASA hydrologist Jason Bausa.

"Ang maapektuhan po nito ay east part ng Metro Manila na sinusuplayan ng Manila Water," dagdag ni Bausa.

Bumaba ang water level sa reservoir sa La Mesa sa gitna ng nararanasang El Niño phenomenon o tagtuyot.

"Impact ng El Niño dahil mas mataas ang evaporation," ani Bausa.

Muli namang iginiit ngayong Lunes ni Jeric Sevilla Jr., head ng Manila Water corporate communications, na posibleng maranasan ng mga kostumer ng Manila Water ang kawalan o paghina ng tubig sa kabuuan ng tag-init.

Bukod sa La Mesa Dam, binabantayan din ng PAGASA ang Angat Dam, na posibleng umabot din sa critical level sa kalagitnaan ng Mayo hanggang Hunyo.

Nasa 200.59 metro ang kasalukuyang antas ng tubig sa Angat habang 180 metro ang critical level nito.

Noong 2010 naitala ang pinakamababang water level sa Angat Dam na 157.56 metro.

Nasa 160 metro naman ang critical level ng tubig sa Magat Dam at kasalukuyang nasa P169.78 metro ang antas ng tubig nito.

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.