9 sugatan sa aksidente sa Zamboanga City

Noning Antonio, ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2020 12:46 AM

ZAMBOANGA CITY - Siyam na pasahero ang sugatan matapos maaksidente ang kanilang sinasakyang jeep sa matarik na daan ng Mountain View, Barangay Sinubong, sa Zamboanga City Lunes ng hapon.

Agad isinugod sa hospital ang mga biktima kung saan lima ang menor de edad.

Nagtamo ng pasa at gasgas sa katawan ang mga biktima pero ligtas na mula sa kapahamakan ang mga ito.

Napag-alaman na naghakot ng kahoy at gamit ng bahay ang sasakyan at pauwi na nang mangyari ang aksidente.

Ayon sa driver ng jeep na si Zulfikar Sadarani, bigla umanong nawalan ng preno ang sasakyan at bumulusok ito pababa.

Tumilapon umano ang mga biktima mula sa sasakyan. Napag-alaman rin ng pulisya na ang iba sa mga pasahero ay nakasabit lamang dahil puno ng gamit ang sasakyan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.