'Nakainom' na pulis inaresto dahil sa pagpapaputok ng baril

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2019 09:41 AM

MANILA - Inaresto ang isang pulis matapos umanong magpaputok ng baril sa tinutuluyang apartment sa Sampaloc, Maynila nitong Sabado ng gabi.

Sinugod ng mga awtoridad ang apartment building sa Josefina Street matapos magsumbong ang mga residenteng nakarinig umano ng isang putok ng baril.

Dinatnan nilang nakahiga sa sahig ang noo'y walang malay na si Master Sgt. Winefer Molina ng Quezon City Police District station 2. Nakita rin ang kaniyang baril at isang basyo ng bala sa sahig.

"Parang lasing [si Molina], undergo natin siya sa alcohol drug test," ani Major Roldan Leceta ng Manila Police District.

Sinubukan ng news team na kuhanin ang panig ni Molina pero tumanggi siyang magsalita.

Iniimbestigahan pa kung bakit siya nagpaputok. Kakasuhan siya ng alarm and scandal dahil sa illegal discharge of firearm.

"Sa mga kapulisan natin, yung baril natin hindi pwede basta-basta paputukin at kung iinom, dapat nasa lugar," paalala ni Leceta.

Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.