Bagong sistema ng pagpapasahod sa bus drivers sinusunod: operators

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2019 06:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inihayag ng isang grupo ng mga bus operator na nasusunod naman ang bagong sistema ng pagpapasahod sa mga bus driver.

Epektibo na simula Sabado ang pagkakaroon ng mga bus driver at konduktor ng "fixed rate" na sahod, at mga benepisyo gaya ng overtime pay, leave credits, night shift differential at 13th-month pay. Hindi ito gaya ng dati na komisyon ang suweldo.

Ayon kay Juliet De Jesus, managing director ng Samahang Transport Operators ng Pilipinas (STOP), nasusunod ang bagong kautusan ng Department of Labor and Employment (DOLE) bagaman pahirapan ang pagbibigay ng suweldo.

"Napaka-unpredictable po kasi, 'yong traffic and then hindi po pupuwedeng mag-8 hours ang bus kasi sometimes, sa traffic po 3 oras nasa EDSA," sabi ni De Jesus sa panayam ng radyo DZMM.

"Papaano pa gagawin mo doon sa isang driver na papalit? Kaya medyo mahirap po talaga," dagdag niya.

Kasunod ito ng pahayag ng Manibela, isang grupo ng mga bus driver, na hindi raw ipinatutupad ang bagong sistema ng pasahod.

Hinamon din ng Manibela ang DOLE na pumunta sa mga opisina at terminal ng bus para malamang lumalabag ang ilang operator.

Wala pang sagot ang DOLE sa sinabi ng mga transport group.

Hati naman ang opinyon ng mga bus driver sa pagkakaroon ng "fixed" na sahod.

Para sa bus driver na si Rodrigo Anicete, mas maganda ang lumang sistema ng pagpapasahod.

"Mas mainam po 'yong percent, porsiyentuhan na lang," ani Anicete.

"Malaking epekto dahil dati maganda yung kinakita namin," dagdag niya.

Para naman sa isa pang driver na si Ramil Pol, "wala namang nagbago."

"Wala naman ho, ganoon din naman, may mga privilege din naman na ibinibigay," ani Pol.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.