3 patay sa salpukan ng motorsiklo, tricycle sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2019 05:06 PM

Tatlo ang patay matapos magbanggaan noong madaling araw ng Sabado ang isang motorsiklo at tricycle sa lungsod ng La Carlota, Negros Occidental, ayon sa pulisya.

Kinilala ng La Carlota police ang mga nasawi bilang sina Joshua Gargaceran, driver ng motorsiklo, at ang mag-asawang Felomeno at Rosemarie Ortega, ang nagmamaneho at sakay ng tricycle.

Parehong bumibiyahe sa magkabilang direksiyon ng highway sa Barangay Cubay ang motorsiklo at tricyle nang biglang umagaw ng linya ang motorsiklo, dahilan para magbanggaan ang dalawang behikulo, base sa imbestigasyon.

Dahil sa pagbangga, tumilapon sa daan si Gargaceran at ang mag-asawang Ortega. Tumilapon din ang isa pang sakay ng tricycle na si Joselito Demerin, na nagtamo ng minor injuries.

Ayon sa ulat ng pulisya, posibleng lasing si Gargaceran nang mangyari ang banggaan. -- Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.