6 na nakaw na sasakyan, narekober sa Dumaguete

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2018 06:16 PM | Updated as of Nov 13 2018 05:53 PM

Anim na nakaw na sasakyan ang narekober ng awtoridad sa Barangay Calindagan, Dumaguete City nitong Sabado.

Narekober ng mga operatiba ng Highway Patrol Group ng Negros Oriental at intelligence groups ng Mandaue at Dumaguete ang limang sedan at isang pick-up truck sa isinagawang entrapment operation laban sa isang Michael Cordero.

Nahaharap si Cordero sa mga kasong robbery, estafa, at carnapping sa iba't-ibang probinsiya.

Bagama't hindi nahuli si Cordero sa entrapment operation, naaresto naman ang isang babae at dalawang lalaki na umano'y mga kasabwat niya.

Noong Biyernes ng gabi ay nakipagtransaksiyon umano ang mga operatiba sa babaeng suspek na nagsangla sa kanila ng pick-up sa halagang P400,000.

Ayon sa hepe ng Mandaue City intelligence unit at group commander ng operasyon na si Supt. Benouli Abalos, ang grupo ni Cordero ay isang sindikato na nambibiktima sa iba't-ibang lugar.

Nagpapanggap umano si Cordero na ahente ng kompanya ng kotse na kumukuha ng mga sasakyan sa mga may-aring hindi nakakabayad ng bank loan sa oras.

"Hinahatak niya, binebenta o kaya isangla sa casino. Dito ang bagsakan sa Negros Oriental pero galing ito sa ibang mga lugar," dagdag ni Abalos.

Pinaghahanap pa rin ng awtoridad ang iba pang mga sasakyan na nanakaw umano ng grupo.

Nahaharap naman sa kasong carnapping at robbery extortion ang tatlong nahuling suspek.

--Ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.