‘Protektahan ang mga industriya, manggagawang sapul ng COVID-19’

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2020 06:10 PM

Nang marinig ang balita na may nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Quezon City, agad nag-meeting ang staff sa restoran na pinagtatrabahuhan ng chef na si Kyle Narca para mapag-usapan kung ano-ano ang puwedeng gawin.

Agad umanong nagpatupad ang restoran nina Narca ng sarili nitong mga paraan para maging ligtas at mapanatiling ligtas ang kanilang mga kostumer mula sa sakit.

Kada 20 minuto ay naglalagay sila ng alcohol sa dining area habang sa kitchen ay naghuhugas ng kamay ang mga empleyado, lalo iyong mga humahawak ng pagkain, kada 5 hanggang 10 minuto, ani Narca.

Binababad na rin umano ng restaurant staff ang kanilang mga kubyertos sa kumukulong tubig at pinapahiran ng alcohol ang pinto tuwing may humahawak dito.

Nitong Lunes, nanawagan sa pamahalaan ang grupong Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na gumawa na ng mga hakbang para maprotektahan ang kapakanan ng mga industriyang maaapektuhan ng COVID-19, lalo iyong mga manggagawang nagtatrabaho sa mga ito.

Kabilang umano sa mga masasapul ay iyong mga restoran at mall na labas-pasok ang tao, sektor ng agrikultura na nag-aangkat ng produkto sa mga bansang tinamaan din ng sakit, at manufacturing sector na kumukuha ng mga materyales mula China para makumpleto ang mga produkto.

Hinikayat naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na dagdagan ang sick leave ng mga empleyado kung kailangan nilang magpa-quarantine, na tumatagal ng 2 linggo.

“Kung ['yong] mga kaso na 'yon ay dala ng trabaho, dapat maging bahagi 'yon ng with pay, hindi ibabawas sa leave credits kasi ang workers nag-perform sang-ayon sa inuutos ng kanyang employer. Kung personal travel, puwede natin ibawas,” ani Marco Valeros ng Bureau of Working Conditions sa ilalim ng DOLE.

Maglalabas anila ang DOLE ng mga patakaran para sa mga employer na may trabahante na nagpositibo sa sakit.

Sa huling ulat ng Department of Health, umabot na sa 20 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.

-- Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.