Online seller na naperwisyo ng courier service humingi ng refund na may 'interes'

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2019 03:34 PM


Inireklamo ng isang online seller ang courier service na pumalpak umano at doble ang siningil para sa delivery ng kaniyang produkto.

Kuwento ni Jose Maria Araneta, noong Enero ay ipina-deliver niya sa LBC ang isang bike part para sa kliyente sa Boracay.
    
Nagbayad siya ng mahigit P6,000 para sa delivery pero nagsumbong ang kliyente kay Araneta dahil muli raw siyang siningil para sa padala.

Agad itong ini-report ni Araneta sa LBC pero lumipas ang ilang linggo ay di pa rin ibinigay sa kaniya ang ibinayad ng kliyente.

"Sabi nila mag-eemail sila. Inabot ng weeks, iisa lang sagot nila. Hanggang dun lang. Nag-worry na ako," sabi niya. Umabot daw ng higit isang buwan bago tuluyang na-refund ang pera. 

Sa pahayag ng LBC, naayos na daw nila ang problema at naibalik na ang pera kay Araneta noong Marso 1.

Ginarantiya rin ng kompanya na isolated case lang iyon at gumagawa na sila ng paraan para mapaganda pa ang proseso. 

Pero si Araneta, humihirit ng "interes" dahil naantala umano ang pagbalik ng pera niya.

"Iyung P6,510 ko kaya ko pa kitain ng 10 percent per day 'yun from the time na na-deposit nila sa akin. Mapapaikot ko pa 'yun. Kung sasabihin P600 na lang per day ang dapat interes sa akin nun hanggang March, malaki babayaran nila sa akin," sabi ng complainant.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang reklamo ni Araneta pero hindi raw ito sakop ng kanilang ahensiya. 

"Yung mga bagay na ganiyan maaaring korte na po makapagdesisyon nun. Unang-una, mayroon tayong legal provision as to how much will be the interest," sabi ni Marlon Fabricante, officer-in-charge ng DICT-Postal and Regulations Division.

Payo ng DICT, ilatag ni Araneta sa LBC ang gusto niyang interes pero wala umano sa poder ng ahensiyang puwersahin ang pagpataw ng interes o danyos sa naagrabyado.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.