Dealer ng marijuana, arestado sa Rizal

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2019 07:54 PM | Updated as of Mar 09 2019 12:55 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATED) - Timbog ang isang dealer ng high-grade marijuana o kush sa ikinasang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Cainta, Rizal nitong Biyernes.

Nakatakda sanang i-deliver ng lalaki ang mga sachet ng kush na nakasilid sa paper bag sa loob ng kaniyang backpack nang harangin ng mga tauhan ng Anti-Organized Transnational Crime Division ng NBI sa bisa ng search warrant.

Narekober sa suspek ang 36 na gramo ng kush na may halagang P36,000.

Hinalughog din ang buong bahay ng suspek sa Barangay San Isidro kung saan kasama nitong nakatira ang mga magulang at kapatid.

May mga nakuha pang hinihinalang kush, drug paraphernalia, liquid marijuana, marijuana capsule, at buto ng marijuana.

Dinala sa NBI headquarters ang suspek para maisailalim sa inquest proceeding, habang inaalam pa ang pinagkukunan nito ng supply.

Aminado ang mga magulang ng suspek na alam nila ang ginagawa ng anak pero hindi nila ito napigilan sa kaniyang hilig.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.