4 tiklo sa anti-drug ops sa Davao

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2019 07:04 AM

DAVAO CITY - Arestado ang 4 katao sa magkahiwalay na operasyon kontra droga sa Davao Region.

Unang nahuli sa bisa ng search warrant ang isang lalaki sa Barangay Ilang, Davao City, Davao del Sur Huwebes ng umaga.

Nakuha sa kaniya ang 7 sachet ng hinihinalang shabu na may halagang P10,000.

Ayon kay Police Maj. Noel Villahermosa ng Davao City police, may nagsumbong sa kanila tungkol sa ilegal na gawain ng suspek kaya naghain sila ng search warrant.

Samantala, timbog ang isang lalaki sa buy-bust operation sa Barangay Magugpo East, Tagum City, Davao del Norte Huwebes ng hapon.

Narekober sa kaniya ang 9 na sachet ng umano'y shabu at drug paraphernalia.

Sa Barangay Mankilam, Tagum City, naaresto rin ang 2 lalaki sa buy-bust operation Biyernes ng madaling-araw.

Nakuhanan sila ng 17 sachet ng umano'y shabu na may street value na P15,000. 

Mahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. - Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.