11 babae na iniaalok sa resort nasagip; 2 bugaw timbog

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2019 06:04 PM

Nasagip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Rizal ang 11 babae, kabilang ang dalawang menor de edad, mula sa tangkang pambubugaw sa kanila sa isang resort sa Antipolo City noong Miyerkoles.

Bago nito ay inaresto muna sa isang entrapment operation ang itinuturong bugaw na sina Christian Mabbayad at John Romel Bueno sa parehong resort.

Nakuha kay Bueno ang entrapment money na nagkakahalaga ng P60,000.

Nagtangka pang magtakbuhan ang mga babae nang magkagulo pero nahabol din ng mga kasamang social worker.

Kuwento ng mga nasagip, ang ilan sa kanila ay inimbitahan gamit ang social media.

Pero giit nila, wala silang kinalaman sa prostitusyon at nandoon lamang sila para maki-party.

"Magsi-swimming lang po kami," sabi ng isa.

Kulong ang dalawang suspek sa paglabag sa Violence Against Women and Children Law at Anti-Trafficking in Persons Act.


—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.