Mga trak at bulldozer, sinunog ng mga armadong lalaki sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2017 08:27 PM

Kuha ni Rex Ruta, ABS-CBN News

PALAWAN - Ilang heavy equipment ng isang kumpanya ng oil palm sa bayan ng Bataraza sa Palawan ang sinunog ng mga miyembro umano ng New People's Army (NPA) Miyerkules ng madaling araw.

Pasado 12:30 a.m. nang mamataang nasusunog ang ilang heavy equipment sa Sitio Linao, Barangay Culandanum.

Ayon sa imbestigasyon ng Bataraza police, nasa 19 na armadong lalaki ang nagsunog sa isang backhoe, isang trak, at isang bulldozer.

Agad namang nagsagawa ng aerial survey ang Western Command (Wescom) kaninang umaga, kung saan makikita mula sa himpapawid ang mga nasunog na sasakyan.

Kinumpirma ng Wescom na mga miyembro ng NPA ang may gawa ng pagsunog.

Hinala nila, maaring pagpapakita ng pwersa ito ng mga rebelde matapos sumuko ang 9 nilang kasamahan noong nakaraang linggo.

Posible din daw na may kinalaman ito sa pagtanggi ng kumpanya na ibigay ang hinihingi ng NPA.

Sa ngayon ay may mga sundalo nang nagbabantay sa lugar habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.

Sinisiguro naman ng Wescom na matutukan ang isyu ng seguridad sa lalo na sa mga malalayong bahagi ng Palawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.