Mga peligrosong 'substandard' appliance nasamsam sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 06:52 PM

Sorpresang ininspeksiyon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang establisimyento sa Tayuman, Maynila.

Sa inspeksiyon, marami sa mga produkto, tulad ng electronics, hardware at building materials, at appliances, ang nakitang substandard o walang selyo na nagpapatunay na dumaan sa tamang pagsusuri ang kalidad nito. 

Kinumpiska ng DTI ang mga nasabing produkto dahil maaari pa umanong magdulot ng peligro, gaya ng sunog, ang mga ito.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, posibleng maharap sa kasong criminal ang mga may-ari.

May ilang tinitingnan ang DTI para malaman ang kalidad ng produkto.

Para sa mga imported na appliances at electronics, kailangan aniyang may nakadikit na import commodity clearance (ICC) sticker sa packaging nito. 

Hindi raw masyadong kita ang ICC mark sa mga pekeng selyo.

Kapag gawa naman sa bansa ang produkto, dapat ay mayroong Philippine standards seal.

Bawal ding maglagay ng DTI logo sa packaging ng produkto.

Linggo-linggo kung mag-ikot ang DTI para mag-inspeksiyon, pero aminado ang ahensiya na kulang ang kanilang mga tauhan para suyurin ang lahat ng mga pamilihan.

Dahil dito, hinihikayat ng ahensiya na mismong mga mamimili ang maging mapanuri sa kalidad, at pati na rin sa presyo ng mga produktong kanilang binibili. --Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.