Rehabilitasyon ng MRT-3, posibleng Mayo pa mauumpisahan

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2019 07:38 AM | Updated as of Mar 06 2019 09:07 PM

MAYNILA - Mula sa target date na Pebrero ngayong taon, nalipat sa darating na Mayo ang planong rehabilitasyon para sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Michael Capati, head of operations ng MRT-3, nagkaroon ng delay sa pagproseso ng mga papeles ng kompanyang Sumitomo na siyang mangunguna sa nasabing rehabilitasyon.

Ilan sa mga nakatakdang ayusin noon pang nakaraang buwan ang mga sirang elevators at escalators sa mga estasyon ng MRT. Oras na maayos na ang dokumento ng Sumitomo ay agad aniyang uumpisahan ang pagkukumpuni sa mga ito. 

Kasama rin sa rehabilitasyon ang paglalagay ng dagdag na mga tren para sa mas mabilis na biyahe ng mga pasahero.

Samantala, nasa 9 na tren naman ang umaandar sa MRT-3 Miyerkoles ng umaga at dadagdagan pa hanggang 15 tren pagsapit ng rush hour.

Patuloy rin ang pagdating ng mga pasahero sa MRT North Avenue Station pero hindi pa naman nagkakaroon ng pila.

Magugunitang kahapon ay nagkaroon ng aberya sa MRT Quezon Avenue Station bandang alas-7:40 ng umaga at maging sa MRT Cubao Station bandang alas-8:30 kagabi. Walang pinababa sa mga pasahero pero nagdulot ito ng mahabang pila at mas mahabang biyahe. - Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News