2 spa sa QC na nag-aalok umano ng 'extra service', ni-raid; higit 20 babae, nasagip

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2019 04:20 AM | Updated as of Mar 06 2019 09:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nasagip ng mga pulis Martes ng gabi ang nasa 21 babae mula sa 2 spa sa Quezon City na nag-aalok umano ng extra service.

Sabay na nilusob ng mga tauhan ng Philippine National Police - Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) ang mga spa dahil sa malaswang aktibidad.

Inabutan sa loob ang mga babaeng masahista at mga lalaking customer.

Ayon kay Police Lt. Col. Joy Tomboc, assistant chief ng Anti-Trafficking in Persons Division ng PNP-WCPC, naka-post online ang mga malaswang larawan ng mga masahista.

"Book siya then may reservation, pagpunta roon may reservation na," aniya.

Nasa 14 na babae ang nasagip sa branch sa Cubao habang 7 naman sa branch nito sa Banawe. Iniimbestigahan pa kung may mga menor de edad sa kanila.

Dinampot din ng mga pulis ang 5 lalaking staff, pero hindi nahuli ang mismong manager. 

Iisa lang umano ang may-ari ng 2 establisimyento na napag-alamang expired na ang business permit. Kabilang sa narekober sa loob ng mga spa ay mga condom.

Isasailalim sa counseling ang mga nasagip na masahista. - Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.