NFA rice, nire-repack para maibenta bilang commercial rice

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 09:46 PM | Updated as of Nov 05 2018 11:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nabisto sa isang warehouse sa Diversion Road, Barangay Sinawal sa General Santos City ang sako-sakong NFA rice na nire-repack o inililipat ng bag para maibenta sa presyo ng commercial rice.

May nag-tip daw sa National Bureau of Investigation (NBI) na "concerned citizen" ukol sa nangyayaring modus kaya sinalakay ng mga operatiba ang warehouse kung saan tumambad ang 300 sako ng NFA rice.

Ininspeksiyon din ang na-repack na bigas para malaman kung ito'y hinaluan ng commercial rice.

Ayon sa NBI, P1,250 ang kada sako ng NFA rice, pero kapag na-repack na ang mga bigas para magmukhang commercial rice ay ibinibenta na ito ng P1,700 kada sako.

Ayon kay NFA 11 Regional Director Dianne Silva, hindi awtorisadong dealer ng NFA rice ang retailer na may-ari ng warehouse at nasa likod ng repacking.

Hindi na muna pinangalanan ang retailer ng bigas na nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 4 o ang National Grains Authority Act.

Sinubukang kuhanan ng panayam ang mga tauhan ng warehouse pero tumanggi silang magbigay ng tugon sa isyu.

-- Ulat ni Yen Mangompit, ABS-CBN News

Abangan ang kabuuang detalye nitong ulat mamaya sa Bandila sa ABS-CBN Channel 2.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.