DENR kinalampag dahil umano sa kulang na tugon sa air pollution

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2020 03:28 PM | Updated as of Mar 05 2020 03:52 PM

Sinugod ng mga grupo ang DENR central office upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa kakulangan umano ng aksyon ng ahensiya para maging malinis ang hangin sa Pilipinas. Mark Demayo, ABS-CBN News


MAYNILA — Kinalampag ng ilang grupo nitong Huwebes ang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City dahil umano sa pagbabalewala nito sa mababang kalidad ng hangin sa bansa. 

Hawak ang mga placard at banner, sumugod ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Power for People Coalition at iba pang grupo sa DENR upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa kakulangan umano ng aksyon ng ahensiya para maging malinis ang hangin sa Pilipinas.

Partikular na tinukoy ng mga grupo ang hindi masawatang mga coal fired power plant sa Bataan, Pangasinan, Quezon, at Naga.

Kulang na nga aniya sa monitoring ang DENR, hinayaan pa umano na mag-operate ang mga coal-fired power plant.

Ayon kay PMCJ National Coordinator Ian Rivera, bukod sa kalikasan, banta rin sa kalusugan ng tao ang air pollution na dulot ng mga planta.

"The fact that one of its highest officials merely temporized and criticized the technicalities show that it, at best, does not know about the state of air pollution in the Philippines, or at worst, is unwilling to let the people know how unhealthy our air is," ani Rivera.

Hinahamon ngayon ng mga grupo ang DENR na gumawa ng hakbang at panagutin ang mga may-ari ng planta sa mga nabanggit na lugar na nagdudulot ng polusyon sa hangin.

Tuloy-tuloy anila ang mga ikakasa nilang protesta para igiit ang kanilang mga panawagan hanggang sa tumugon ang DENR. 

— Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.