Basurang hahakutin sa dalampasigan ng Manila Bay: 20,000 trak

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2019 05:32 PM | Updated as of Mar 05 2019 07:34 PM

Sinimulan ngayong Martes ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways ang paghahakot ng burak sa dalampasigan ng Manila Bay. George Calvelo, ABS-CBN News

Inumpisahan ngayong Martes ang paghahakot ng burak sa higit isang kilometrong shoreline ng Manila Bay mula US Embassy hanggang Manila Yacht Club.

Target na mahakot ang 225,000 cubic meters na burak o katumbas ng higit 20,000 trak ng basura sa dalampasigan ng Manila Bay, ani Public Works Secretary Mark Villar.

Pero kada araw, ang matatanggal lang umano ay nasa 50 hanggang 100 trak ng basura.

Watch more in iWant or TFC.tv

Otso oras kada araw ang gagawing paghahakot ng aabot sa 50 tauhan ng DPWH gamit ang mga excavator.

Matapos makuha ang burak, gagamit ng backhoe para mailagay ito sa mga dump truck. Ihihiwalay naman ang basura at lupa sa pamamagitan ng segregator.

Itatapon sa Navotas ang basura habang pansamantala namang ilalagay ang lupa sa compound ng DPWH sa Taguig.

Ibinida rin ni Environment Secretary Roy Cimatu ang sewer inspection cameras na ipapasok sa mga imburnal para makita ang mga ilegal na tubo ng mga gusali o negosyong nakakonekta sa Manila Bay.

Samantala, sa kaniyang talumpati sa pagsisimula ng paghakot, sinabi ni Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada na mahalaga ang reclamation ng Manila Bay para sa lungsod dahil higit 500,000 trabaho ang mabibigay nito.

"Manila has the highest number of jobless people, Manila has the highest level of poverty incidence and this is the answer to it, hulog ng langit ito," ani Estrada.

Ayon naman kay Cimatu, nakikipag-usap na sila sa Department of Science and Technology ukol sa "science-based effect" ng reclamation.

Ayon naman sa Metropolitan Manila Development Authority, halos 180 toneladang basura na ang nahahakot mula Manila Bay sa nakalipas na 4 na buwan. -- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.